Isang special episode ang hinandog ni Willie Revillame para sa mga nasalanta ng bagyong Ulysses sa 'Wowowin' nitong BIyernes, November 13.

Madaliang binenta ni Willie Revillame ang kanyang sasakyan upang i-donate ang pera para sa mga nasalanta ng bagyong Ulysses.



Isang special episode para sa mga biktima ng bagyong Ulysses ang napanood nitong Biyernes, November 13 sa Wowowin.


Sa pamamagitan ng Kapuso variety game show ay nagbigay ng update si Willie tungkol sa mga nasalanta nang makausap niya si Mayor Dennis Hernandez ng Montalban, Rizal at si Mayor Marcy Teodoro ng Marikina. Ginamit din ng Wowowin host ang pagkakataon upang ipahayag ang kanyang nais na pagtulong.


Ani Willie, ipina-fastbreak o minadaliang benta niya ang isa sa kanyang mga sasakyan upang gamitin ang pera bilang donasyon. Mula rito ay kumita siya ng PhP 7 million na kanya raw ipapamigay sa dalawang nabanggit na munisipalidad. Dadagdagan din daw niya ang kanyang ibibigay na tulong para sa Montalban at Marikina.


Pahayag niya, “Bale ho PhP 7 million, dadagagan ko ho 'yun ng kaunting naipon ko. Magbibigay po ako sa Montalban ng PhP 5 million at another PhP 5 million po sa Marikina.


“Aanhin ko ho 'yung kotse kung marami akong kababayan na naghihirap? Kahit magbenta pa [ako] ng kahit anong pag-aari, pag-aari mo na hindi mo na kailangan. I think this is the right time.”


Paglinaw din ng Wowowin host, ipinapaabot niya ang kanyang personal na tulong hindi bilang pagmamayabang ngunit upang magkaroon ng accountability para sa mga dapat makatanggap nito.


Wika niya, “Ang perang ito ho eh pera 'to para sa inyong kababayan. Eto po 'yung binabalik ko 'yung pasasalamat ko sa mga taong nagmamahal sa programang Wowowin dito sa amin sa GMA, sa akin. Kung nasaan man po ako ngayon, kayo ho ang nag-angat sa buhay ko eh. Binabalik ko 'to hangga't kaya ko tumulong.”


Diin din niya, “Kaya ko 'to sinasabi ho dahil ito 'yung totoong nararamdaman ko. Sabi nila bakit kailangan ko pang ipakita sa TV o ano. Kailangan ko hong malaman niyo para malaman ng mga kababayan niyo na may perang inilaan para sa inyo at 'yun po ay para sa inyo.”


Dasal lamang na magpatuloy pa ang programang Wowowin ang naisip na kapalit ni Willie upang mas marami pa siyang maabutan ng tulong.


Aniya, “Nandito po kami, nandito po ako. Hindi ko kailangan ng posisyon. Kailangan ko ho ng pagmamahal para sa inyo. Ipagdasal niyo lang ho ako na sana tumagal pa ang programang ito para mas marami pa kaming matulungan.”


Nitong nakaraang linggo ay nagbigay rin ng Php 5 million si Willie bilang ayuda sa mga nasalanta ng bagyong Rolly sa Catanduanes.


Source: Keulisyuna

0 Comments